Press Releases
“Biyaya mula sa Katas” (Bugnay Wine Processing Project of Libbo Farmers Association)

 

Dahil malayo sa kabihasnan at nasa bulubunduking barangay ng Libbo sa Bagulin, La Union, ang mga miyembro ng Libbo Farmers Association ay matagal nang umaasa lang sa paggawa ng walis tambo o kaya ay pagsasaka para sa kanilang kabuhayan. 

Wala silang malay na maliban sa mga ito ay pwede pa silang magkaroon ng karagdagang kita mula sa prutas ng halaman na karaniwang tumutubo sa kanilang lugar. Ito ay ang “Bugnay”. 

Karaniwang namumunga ang punong Bugnay sa mga buwan ng Hulyo at Agosto.  Kung noong una, ang Bugnay ay hindi pinapansin at hinahayaan lang ng mga residente na mabulok at malaglag sa lupa, ngayon ay isa na itong magandang pagkakitaan. 

Para sa Libbo Farmers Association, isang grupo na binubuo ng 59 na magsasakang Kankanaey, ang Bugnay ay tila isang “wonder fruit” dahil sa naibibigay nitong biyaya sa grupo at sa kanilang komunidad. 

Ang Libbo Farmers Association ay binuo at narehistro sa Department of Labor and Employment-Regional Office I noong ika-22 ng Pebrero ng taong 2013. 

Kabilang ang Libbo sa mga itinuturing na mahihirap na komunidad dahil ang kita nito ay mababa sa tinatawag na “poverty threshold”. 

Taong 2013 noong nagsanay ang mga miyembro ng Libbo Farmers Association sa paggawa ng alak mula sa Bugnay sa tulong ng Department of Science and Technology o DOST. At mula noon, ang mga dati nasasayang lang na bunga ay pinagkakitaan na ng asosasyon. 

Pinipitas ng mga miyembro ang bunga mula sa puno ng Bugnay. Kapag kulay lila na ito, ibig sabihin pwede na itong pitasin. Para mas maganda ang kalidad ng alak, dapat ay maproseso kaagad ang mga bunga pagkatapos pitasin. 

Sa umpisa ay nakagawa ang asosasyon ng 150 na botelya ng Bugnay Wine.  Noong taong 2014, nakagawa sila ng 600 na botelya ng alak.

At noong March 23, 2015, pinagkalooban ng Department of Labor and Employment-Regional Office I ang asosasyon ng P420,502 na kapital sa ilalim ng DOLE Sustainable Livelihood Framework na parte naman ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) para mapalago ang proyekto nitong “Bugnay Wine Processing”. Sa pamamagitan ng tulong pangkabuhayan mula sa DOLE-RO I, nagkaroon ng mga bagong kagamitan ang asosasyon gaya ng refractometer, Ph meter, gallon jars, fermentor, corker at Erlenmeyer flasks.  Maliban sa mga kagamitan, nagbigay din ang DOLE-RO I ng pagsasanay sa Business and Work Improvement at Bookkeeping sa asosasyon. 

Dahil sa mga bagong kagamitan at pagsasanay, dumami ang kanilang produksiyon mula 920 bottles sa 2016 hanggang 1,850 bottles sa 2017. Ang kanilang mga produkto ay mabibili sa pasalubong center ng La Union at sa mga trade fairs ng nasabing probinsiya.  Para din lalong makilala ang kanilang Bugnay Wine, ipinangreregalo ito ng lokal na pamahalaan ng Bagulin sa mga espesyal na bisita.  

Base sa financial statement ng asosasyon, lumaki ang kita nito mula 2015 hanggang 2017: P42,456 (2015); P78,076.40 (2016) at P81,750 (2017). 

Ang kanilang assets ay nadagdagan din mula 2015 hanggang 2017: P514,895 (2015); P592,971.40 (2016) at P682,721.42 (2017). 

“Malaki po ang pasalamat namin sa DOLE dahil nakakatulong ang proyekto para madagdagan ang aming kita,” sabi ni Romico Gabin, miyembro ng asosasyon. 

Dahil sa dagdag kita mula sa paggawa ng Bugnay Wine, nasusuportahan nila ang pag-aaral ng kanilang mga anak, nadaragdagan ang kanilang kaalaman dahil sa mga pagsasanay at nagkaroon pa sila ng benepisyo sa PhilHealth. 

Ayon naman kay Orebel Lasen, Presidente ng asosasyon, dumami rin ang nagkaroon ng trabaho sa kanilang komunidad. 

Sino’ng mag-aakala na ang Bugnay na binabalewala lang noon ay isa palang biyaya? Na sa pamamagitan ng Livelihood Program ng DOLE at tulong ng iba pang ahensiya at lokal na pamahalaan, ang dating nabubulok lang na bunga ay magbibigay pala ng katas para sa dagdag kita at marami pang oportunidad para sa Libbo Farmers Association?  END/Arly Sta. Ana-Valdez with report from the DOLE-La Union Field Office

[Back]
[Print]
2018-03-19
RD Nat V. Lacambra
Sumangbay kayo! Because we want to serve you better, we have built our new home in the Information Superhighway.
Contact us:
Name

Your Email

Title/Subject

(Maximum characters: 50)
You have characters left.

Your Message

(Maximum characters: 300)
You have characters left.