Sa bawat pagpadyak ni Jeremiah Mejia sa buhay, kanyang naalala ang mga panahon ng kanyang pagsusumikap para sa kanyang pangarap.

Siya ay lumaki sa isang hikaos na pamilya. Siyam silang magkakapatid, at sila ay ulilang lubos na mula sa kanilang ama na noo’y isang karpintero, at ina na isang maybahay.

Kaya naman hindi naging madali ang kanyang buhay lalo noong tumuntong siya ng kolehiyo.

“Ang baon ko noon ay sakto lang sa pamasahe papunta at pabalik, pati na ang pangkain. Kung may mga bayarin sa school, nasa-sacrifice ang aking pangkain at pamasahe pauwi.”

“Kaya nakikishare nalang ako sa aking mga kaklase at sa pag-uwi naman ay nilalakad ko nalang pauwi hanggang sa bahay.”

Natutunang dumiskarte ni Jeremiah upang may kaunting pagkakakitaan.

“I can still remember nung mag-sstart palang ako sa college, na talagang kailangan kong samahan ang aking tatay sa paggawa ng mga furniture para lang may pambaon, palaging late akong nakakabili ng libro sa school kasi kailangan ko pang mag-ipon o maghanap ng pambili.”

Kaya naman laking tulong ang DOLE Special Program for the Employment of Students (SPES) nakatulong sa kanyang pagtataguyod sa pag-aaral.

Siya ay naging SPES beneficiary noong taong 2011, 2013, at 2014. Siya ay na-assign sa LGU Binmaley, Pangasinan, kung saan niya unang nagisnan ang ginhawa ng may sariling trabaho at kabuhayan.

Dahil sa kanyang income sa SPES, naitawid ni Jeremiah ang kolehiyo.

“Malaki ang naitulong DOLE-SPES para ako ay makapagtapos sa Bachelor of Technical Teacher Education at naging way ito para matupad ang pangarap ko na maging guro.”

Siya na ngayon si Teacher Jem sa kanyang Grade 9 & 10 students sa Mapandan National High School. Siya ay nagtuturo ng Technology and Livelihood Education.

Unti-unti na ngang tinatahak ni Teacher Jem ang landas tungo sa ginhawa ng buhay.

Ngunit hinding-hindi niya makakalimutan ang kanyang napagdaanan, kaya naman lagi niyang naalala ang kwento ng kanyang sapatos.

“I can remember iyong time na kailangan na naming mag-uniform sa school para makapasok sa gate. Ang ginamit kong uniform ay mga pinaglumaan na at wala akong black shoes, ang meron lang ay brown shoes.”

“Ang ginawa ko para makapasok lang sa school ay bumili ako ng maraming black na kiwi shoe color, para makulayan ng black ung brown ko na sapatos. Palagi akong nasa lilim kasi kung masinagan ng araw ang aking sapatos, mapapansin na ito ay kulay brown.”

Kaya naman sa bawat hakbang na kanyang ginagawa bilang isang guro, sinisiguro niyang naibabahagi niya ang mga aral ng pagpupursige at pananalig sa Diyos.

“My dream for my students is that they will attain and fulfill all their dreams even when the odds are against them. That there should be no problem that can stop them to reach their goals.”

“They should show respect to everyone even when they are at the top of their career in life. Most importantly, they shall always remember God, not only in hard times but also during rejoice and celebrations of success.”

 

Last Updated on October 13, 2022 by Justin Paul Marbella