Dalawang araw matapos tumama ang magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon, kinamusta ng Department of Labor and Employment Regional Office 1 (DOLE RO1) ang mga workers at employers sa Vigan City at iba pang bayan sa Ilocos Sur, kung saan naitala ang labis na pinsala.

Ipinaabot ni DOLE Regional Director Atty. Evelyn Ramos ang pakikisimpatya ni Sec. Bienvenido E. Laguesma sa mga apektadong manggagawa at namumuhunan, at tiniyak nga ang aksyon ng DOLE upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Naglaan na din ang DOLE ng P50M na pondo na gagamitin para sa tulong sa mga nasalanta ng lindol.

Nagsagawa ang DOLE RO1 ng Virtual Consultation session via Zoom ngayong umaga, Hulyo 29, 2022, upang makipag-ugnayan sa mga myembro ng Industry Tripartite Council (ITC) – Hotel and Restaurant.

“Batid namin ang takot at trauma na idinulot ng malakas na lindol, kaya nagpapasalamat kami at kayo’y ligtas,” ani RD Ramos.

“Mahalaga ang mga pagkakataong gaya nito na kami ay makipag-usap at kumonsulta sainyo, upang ating talakayin kung anong angkop na tulong ang maaaring ibigay ng DOLE.”

Sa dayalugo, ipinabatid ng mga ITC members na may mga establishments na nananatiling nakasara habang hinihintay ang clearance mula sa mga lokal na engineering office na magsasagawa ng structural inspection. Karamihan sa mga hotels at restaurants na ito ay ang mga nasa sentro ng Vigan, lalo na ang pamosong Calle Crisologo kung saan makikita at mga colonial houses.

Samantala, karamihan naman ng mga establishments sa labas ng Calle Crisologo ay bukas nang muli, at ang mga workers ay pumasok na sa trabaho.

Bagaman may mga empleyadong nakaranas ng trauma dahil sa malakas na pagyanig, masayang ipinaabot ng kanilang mga employers na sila ay nasa maayos nang kalagayan.

Last Updated on August 2, 2022 by Justin Paul Marbella