Bilang maagang pagdiriwang ng Labor Day, nabigyan ang mga manggagawa sa Dagupan City at buong probinsiya ng Pangasinan ng pagkakataong makabili ng mga abot-presyong produkto at bilihin, sa isinagawang Kadiwa ng Pangulo Para sa Mga Manggagawa ngayong araw, Abril 30, 2023 sa CSI Atrium, Lucao, Dagupan City, Pangasinan.
Kumita ng suma-total P129,069 ang mga farmers at agripreneurs na nakibahagi sa Kadiwa, na naglalayong mabigyan din ng direktang access ang mga magsasaka upang ibenta ang kanilang mga produkto sa merkado.
Sa pakikipag-ugnayan ng Department of Labor and Employment Regional Office 1 (DOLE RO1) sa Pamahalaang Lungsod ng Dagupan at Department of Agriculture Regional Office 1, nasa 21 sellers ang nakapagbenta ng kanilang produkto sa murang halaga — na siya ding naging paraan nila upang bigyang pugay ang mga manggagawa sa probinsiya.
Bumisita din si Senator Imee Marcos sa nasabing pagdiriwang, at kanyang ipinaabot ang mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kanyang pangunahing agenda ang isulong ang interes ng mga manggagawa, lalo na sa patuloy na pag-recover ng bansa mula sa mga epekto ng pandemya.
Nakipag-kamustahan din si Senator Imee sa daan-daang mall-goers na bumisita at namili sa Kadiwa ng Pangulo.
Bukas naman, sa mismong Labor Day, apat na job fairs ang sabay-sabay na isasagawa sa buong rehiyon: Farmers Livelihood Development Center, Vigan City, Ilocos Sur; Magic Mall, Urdaneta City, Pangasinan; Orbos Gym, Sta. Barbara, Pangasinan; at PESO Multipurpose Hall, PESO Bldg., Lingayen, Pangasinan.
Higit 26,000 job vacancies ang pagpipiliian ng mga jobseekers, na nakalap mula sa 172 participating employers.

Last Updated on May 3, 2023 by Justin Paul Marbella