Katakam-takam na mga produktong Ilokano ang bumida sa Kadiwa ng Pangulo Para sa Mga Manggagawa ngayong Mayo Uno sa Vigan City, Ilocos Sur.

Bilang parte ng pagdiriwang ng 121st Labor Day, nagdala ang nasa 41 sellers at agripreneurs ng kanilang mga produkto na kanilang ibinenta sa abot-kayang halaga, bilang regalo at pagpupugay sa mga masisipag at maasahang mga manggagawang Ilokano.

Sa pagtutulungan ng Provincial Government of Ilocos Sur (PGIS), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Agriculture (DA) Kadiwa ng Pangulo ay naglalayong bigyang daan ang mga maliliit na farm producers na ibenta ang kanilang produkto direkta sa mga mamimili.

Bahagi din dito ang Diskwento Caravan ng Department of Trade and Industry (DTI), na kung saan ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) ay nakapagbenta din ng kanilang mga produkto.

Hangad ng programa na bigyang pagkakataon ang mga jobseekers na makabili ng mga produktong garantisadong mura, sariwa, at gawang lokal.

Kasabay din kasi ng Kadiwa ng Pangulo ay ang Labor Day job fair, na dinagsa ng daan-daang indibidwal na naghahanap ng trabaho.

Ilan sa mga produktong tampok dito ay ang mga kilalang pagkaing Ilokano gaya ng bagnet, kakanin, longganisa, chichacorn, at bagoong; iba’t ibang mga prutas gaya ng mangga, pakwan at saging; at mga gulay gaya ng sitaw na kung tawagin sa Ilokano ay “utong.”

As of 12nn ngayong araw ay nasa P145, 371 na ang total na kinita ng mga merchants sa Kadiwa ng Pangulo. Inaasahang papalo ito sa kalahating milyong piso, dahil tatagal ang Kadiwa hanggang sa Mayo 3.

 

Last Updated on May 26, 2023 by Justin Paul Marbella