Tuloy ang byahe ng buhay para sa mga tsuper sa Region 1 na na-displace sanhi ng pandemya. Sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE), sila ngayon ay mga enTSUPERneur na.

Sa pakikipagtulungan sa DOLE ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Office of Transportation Cooperatives (OTC), inilunsad ang EnTSUPERneur Program, isang espesyal na proyekto sa ilalim ng DOLE lntegrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP).

Layon ng EnTSUPERneur Program na mabigyan ng alternatibong kabuhayan ang mga tsuper at iba pang transportation sector workers na nawalan ng trabaho sanhi ng pandemya, pati na din ang pagpapairal ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Sa Region 1, nasa higit 100 displaced transport sector workers na ang tumanggap ng kanilang livelihood starter kits mula sa DOLE Region 1.

“Ang bawat starter kit na may halagang P30,000 ay angkop sa kakayahan at interes ng bawat benepisyaryo sa pagnenegosyo,” paliwanag ni DOLE RO1 Regional Director Exequiel Ronie A. Guzman.

“Batid din natin na kailangan ng mga transport workers na ito ng gabay sa pagsisimula ng kanilang maliit na negosyo, kaya naman narito ang DOLE na aagapay sa kanila upang masegurong uunlad ang kabuhayang ito,” sabi ni RD Guzman.

Sa Ilocos Sur, 28 beneficiaries ang tumanggap ng starter kits para sa Sari-Sari Store at Frozen Food Retail project. Sila ay mula sa mga bayan ng Alilem, Sta. Lucia, Sta. Catalina, Tagudin, Sta. Lucia, Sta. Cruz, Santiago, Sugpon, Salcedo at Candon City.

Sa La Union, Goat Raising Livelihood naman ang iginawad sa 54 beneficiaries mula sa mga bayan ng Aringay, San Gabriel, Sudipen, Luna, Naguilian, San Juan, Bacnotan at Santol. Sari-sari store naman ang para sa mga beneficiaries sa San Fernando City.

Sa Central Pangasinan, pagbebenta naman ng bigas ang napiling negosyo ng 19 displaced transport workers mula sa Dagupan City, Santa Barbara, Calasiao, Malasiqui at Mangaldan.

Kasama ng DOLE sa pag-distribute ng tulong sa mga displaced transport workers ay mga kawani ng LTFRB sa pamumuno ni RD Ahmed G. Cuizon, mga local officials, at PESO Managers.

Mayroon pang nasa 160 beneficiaries nitong EnTSUPERneur program ang nakatakdang tatanggap ng kanilang livelihood starter kits mula sa DOLE RO1 bago matapos ang taon.

 

Last Updated on December 14, 2022 by Justin Paul Marbella