Patuloy ang pagtatrabaho ng mga manggagawa sa Ilocos Region sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE), at sila ay determinadong tumulong para sa pagbangon mula sa mga epekto ng malakas na lindol.

Mag-iisang linggo na matapos tumama ang Magnitude 7 na lindol sa Hilagang Luzon, at isa sa mga lubhang nakaranas ng pinsala ay ang lalawigan ng Ilocos Sur, kung saan nasira ang mga istraktura, lalo na ang mga sinaunang colonial houses sa Vigan City.

Kabilang din sa mga nasira ay mga bahay at iba pang ari-arian sa mga bayan sa Ilocos Sur, lalo na ang mga malapit sa Abra kung saan naitala ang epicenter ng lindol.

Agad inaprubahan ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma ang pagpapatupad ng TUPAD sa mga napinsalang lugar, kaya naman agad umaksyon ang DOLE Regional Office 1, sa pangunguna ni Regional Director Atty. Evelyn R. Ramos.

Kinaumagahan matapos ang lindol noong Hulyo 27, 2022, nagsimula nang ipatupad ng DOLE RO1 ang TUPAD, upang agarang mabigyang pagkakakitaan ang mga residente na magseserbisyo para sa clearing and cleanup.

May inisyal na pondong P 11,082,900 ang inilaan para sa TUPAD sa Region 1. Ito ay gagamitin para sa sahod, Personal Protective Equipment (PPE), at insurance ng TUPAD workers sa kanilang pagtatrabaho ng 15 araw. Sila ay tatanggap ng P370 kada araw.

Sa Ilocos Sur, mayroong higit kumulang 1,350 TUPAD workers ang nagsimula nang maglinis sa mga bara-barangay sa Vigan City at sa mga bayan ng Lidlidda, Sugpon, Caoayan, San Emilio, Salcedo, Galimuyod at Santa Cruz.

Sa Ilocos Norte, nasa 450 TUPAD workers ang nagtatrabaho na ngayon sa mga bayan ng Badoc, Dingras, Pasuquin, Batac, at Laoag City. Mayroon namang 100 TUPAD workers na nakakalat sa San Gabriel, Sudipen, Bauang, at Rosario.

Sila ay naglinis ng mga kalsada at nag-ayos ng mga napinsala ng landslide at iba pang epekto ng lindol.

Nakipag-ugnayan na din ang DOLE RO1 sa mga management at employer representatives sa Ilocos Sur, upang alamin din ang sitwasyon ng paggawa sa formal sector. Maraming mga tourism-related establishments ang nagsara ng ilang araw, at may mga workers na naiulat na na-trauma dahil sa malakas na lindol.

Last Updated on August 2, 2022 by Justin Paul Marbella